aprilmorningrocks

Random ramblings from a national democrat.

Pagka’t Kailangan Kitang Itakwil Upang Mahalin at Palayain

Sa tinagal-tagal ko bilang isang mananampalatayang Katoliko, masasabi ko sigurong naabot ko na ang punto ng aking “religious maturity,” ano man siguro ibig sabihin nuon. Hitik sa riyalisasyon ang taong ito para sa akin, at malaki ang naging kontribusyon ng Sociology 125 sa paghubog ng aking kasalukuyang pananaw hinggil sa ispiritwalidad.

Bago ako pumasok ng UP, at bago maging oriented sa Marxismo at dialectical materialism, matagal-tagal ko ring isinarado at dinistansya ang aking sarili mula sa mga ideyang direktang humahamon sa mga pinanghahawakan kong paniniwala. Masama at mga anti-Kristo ang mga tulad ni Marx, Lenin, Nietzsche at iba pang ‘materialists,’ habang mga tagapagtaguyod naman ng kabutihan at pagkamaka-Diyos ang mga tulad nila Martin Luther, atbp.

Bagama’t naniniwala ako sa siyensya at sa ‘di literal na interpretasyon ng bibliya, hindi ko lubos makuhang maging kumportable sa mga taong mahilig mamilosopo hinggil sa isyu ng metapisika at ideyalismo – kung sino ba ang ‘lumikha’ sa Diyos, o kung may Diyos nga ba habang talamak ang kahirapan at krimen sa mundo. Mulat kong iniwasan ang mga palagay ng mga akademiko’t pilosopo sa kadahilanang hindi ko sila masagot ng maayos – hindi ako manalo-nalo sa debate, kahit na minsa’y may punto nga ang kanilang mga palagay. Nagtatakip na lang tuloy ako ng tainga. Kadalasa’y nauuwi pa ang eksena sa pagkainis ko sa mga tao hinggil sa kanilang kakulangan sa pananampalataya.

Marami na rin akong mga tanung nuon (na tanong ko pa rin ngayon), kung bakit hindi maaaring maging pari ang mga babae, kung bakit nga ba nagpapatuloy ang kasamaan sa mundo habang kaya naman Niya itong lipulin, at kung bakit napaka-konserbatibo ng Simbahan hinggil sa isyu ng kontrasepsyon.

Matapos ang isang semestre ng pagtalakay ng iba’t-ibang teoryang sosyolohikal, pilosopikal at sikolohikal hinggil sa phenomenon ng relihiyon, sa isang banda’y naarmasan ako ng mga iba’t-ibang ideya na mas makapagbibigay sa akin ng mas klarong direksyon sa aking buhay Katoliko. Nabaka ko ang aking dating liberalismo at natutunan kong hindi ko maaaring i-kundena ng tuluyan ang isang bagay o konsepto nang hindi ko pa lubusang naiintindihan. Mas naging kritikal at bukas ako sa mga bagong palagay, hinggil sa materyal na mundo, sa Diyos, at sa kalikasan ni Hesus.

Nasa yugto ako ngayon ng matinding pagtatanong at pagyakap – pagtanong at pagkwestyon sa praktika, doktrina at struktura ng institusyong Katoliko, kasabay ng buong pusong pagtanggap at pagyakap sa kanyang mga pagkukulang at pagkakamali. Nabubuhay ako ngayon sa pag-asang makapagbabago ang Iglesia Katolika pabalik sa orihinal niyang progresibong oryentasyon na sinimulan ng mga apostoles at mga sinaunang Kristiyano (na alam kong mahirap pagka’t hawak ng burgesya ang pulitika sa luob ng Vatican).

Natutunan ko sa mga humanist-materialists tulad Feuerbach, Marx at Lenin ang kahalagahan ng pagmamahal sa mundong ibabaw kasama ng ibang likha, sa paglalagay ng malaking tiwala sa tao bilang tagapaglikha ng kasaysayan, ng hindi pag-asa ng lahat ng bagay sa Diyos. Nagagap ko rin sa pagbaybay ng kursong ito ang mga balidong palagay at mga argumentong ipinukol ng mga materialists gaya ni Feuerbach (1841) hinggil sa penomenon ng relihiyon sa kanyang Essence of Christianity; na ang kasalukuyang persepsyon natin ng Diyos ay projection lamang ng pinaka-mahuhusay na mga katangian ng tao, na ang langit ay maaaring projection lamang ng ating ideyal na lipunan.

Umuunlad at nagbabago pala ang mundo batay sa tunggalian at kontradiksyon ng mga pwersa sa produksyon at pisikal na mundo. Ang buhay at kasaysayan pala ng tao ay hindi lang pala bastang itinatakda ng isang metapisikal na nilalang sa kanyang mga pasibong sabjek, kung hindi nililikha at pinapanday ng nakikibakang mamamayan.

Mahalagang aral rin sa akin ang katotohanang matagal nang sagabal ang hamog at nakalalasing na “spiritual booze” ng relihiyon upang hindi naisin ng uring api ang paglikha ng mas makatarungang kondisyon sa lupa. Masakit mang aminin, marami sa atin ang araw-araw nakapikit, nakatingala sa mga ulap at nagdarasal nang mataimtim sa Maykapal habang bulag sa pagsasamantalang pisikal ng mga tirano sa sarili at ating mga kapatid (Lenin, 1905):

But a slave who has become conscious of his slavery and has risen to struggle for his emancipation has already half ceased to be a slave. The modern class-conscious worker, reared by large-scale factory industry and enlightened by urban life, contemptuously casts aside religious prejudices, leaves heaven to the priests and bourgeois bigots, and tries to win a better life for himself here on earth. The proletariat of today takes the side of socialism, which enlists science in the battle against the fog of religion, and frees the workers from their belief in life after death by welding them together to fight in the present for a better life on earth. (pg. 83)

Dahan-dahan kong tinanganan ang pilosopiya ng proletaryado, ang materyalismong dialektiko at ang katotohanan na ang materyal ang tanging batayan ng ating kamalayan (consciousness). Gayunpaman, hindi ko pa rin masabi ng buong-buo kung meron bang Diyos o wala, kung wala nga bang lumikha.

Naging malaking dilemma para sa akin ang sentral na katanungang kakabit ng abiogenesis, ang tanong na “Maaari bang magmula sa ‘wala’ ang ‘lahat’?” Imposible nga. Sa gayong mga katanungan, nananatili akong mapagpanampalataya, ngunit sa kurso ng pagtalima ko sa pakikibaka at pagyakap sa esensya ng theology of struggle (o liberation theology), nagkaruon ng radikal na pagbalikwas ang imahe ng Diyos Ama at si Hesus mula sa nakagisnan kong konsepto ng Panginoon.

Mula sa isang “divine,” at metapisikal na pigura, bumaba ang Diyos sa lupa upang marungisan, masaktan, mag-organisa at mamatay bilang tao, sa katauhan ni Hesus, taliwas sa inaasahang makisig na Haring nakasakay sa kabayo na inaasahan ng mga Hudyo. Naalala ko bigla ang librong “Dirty God: Jesus in the Trenches” ni Johnnie Moore (2013), kung saan si Hesus ang Diyos na nadungisan, upang tayo’y maligtas at maging malinis. Ipinakita ang isang Hesus na nagagalit, nagrerebelde, at nangwengwestyon ng mga pulitikal/relihiyosong istruktura ng kanyang panahon, taliwas sa kalmado at pasibong Hesus ng aking kabataan. Dito sa lupa, nakita ko ang gayong tipo ng pagpapakumbaba sa mga aktibistang buong tatag na nakikipagbuno sa init ng araw, alikabok ng kalsada at truncheon ng pulis – maski pa manlimahid, mapawisan, at umuwing duguan sa lansangan – maitaguyod lamang ang demokratikong karapatan ng lahat, hindi lang ng maralita kundi pati na rin ng mga nasa komportableng kinalalagyan.

Sa aking paglalakbay bilang isang aktibista, binigyan nila Marx, Zizek, Kautsky at mga sosyalista ng bagong mukha si Hesu Kristo – ang mapagpalaya, rebolusyonaryo, at makasaysayang Hesus na pilit pinapupurol ng mga institusyon at ideolohikal na aparato ng estado.

Ani Carl Kautsky, “…perhaps it was just my intensive involvement in the class struggle of the proletariat that made it possible for me to get insights into the essence of primitive Christianity that escape the professors of theology and religious history.” (Kautsky, 1908) Mula rito, nakita ko ang pangangailangan na hubaran si Kristo mula sa mistisismong ibinabalabal sa kanya ng mga tagapagtaguyod ng relihiyon. Mahirapan man tayo sa pagtatanggol ng katotohanan ng lumikha gamit ang sekular na agham, tunay naman at ‘di makakaila ang katotohanan ni Hesus maging sa sekular na kasaysayan kung saan nakapulot ng maraming aral ang lahat… Kristiyano man o hindi.

Sa tulong naman ni Caputo (2001), dumako sa akin ang riyalisasyon na ang sentral na katanungan dapat ng mga taong relihiyoso ay hindi dapat napapako sa  “kung mayruon nga bang Diyos o wala,” kung hindi “sino/ano nga ba minamahal natin kapag  minamahal natin ang Diyos,” ang gamit, silbi at kahalagahan nito sa ating buhay. Na ang mga tunay na walang sampalataya’t hindi nakakikilala sa Kaniya ay hindi basta yaong mga “atehista” (atheists), kung hindi yaong mga hindi marunong magmahal, umasa/manalig, at maniwala sa kaligtasang dala ng pananalig sa pagdating ng imposible (kaharian ng Diyos) – ang pagtatagumpay ng rebolusyon. (1 John 4:8 NIV)

Whoever does not love does not know God, because God is love.

Dito ko mas nakita na ang tunay na kaaway ay hindi basta yaong mga hindi naniniwala sa Diyos, kung hindi yaong mga taong walang imbot na yumuyurak sa dignidad at dangal ng tao at mga utos ng Panginoon sa lupa. Yaong mga taong pumanig na sa mapagsamantala’t nawalan na ng pag-asa sa kalitatibong pagbabagong panlipunan. Yaong mga taong nakalimot nang umibig.

Nakita kong wala sa dami ng attendance ng misa o pagbigkas ng novena ang mas malaking parte ng aking buhay Katoliko. Ito ay nasa mulat na pagsalig ng pananampalataya (malapit sa nosyon natin ng teorya) sa praktika at pagkilos (praxis), bagay na hinihingi sa akin/atin bilang Kristyano’t mananampalataya sa pakikibaka. Pagkat ang tunay na katubusan ay hindi natatapos sa paniniwala, kung hindi sa pagsasabuhay at pagpapatuloy ng pagpasan sa Krus na naiwan ni Hesus. Ito ngayo’y sumisimbulo sa makabagong pasanin ng mga manggagawa’t mamamayan ng mundo – ang neo-liberal na globalisasyon sanhi ng nabubulok na imperyalismo. Swak na swak ang mga kataga ni San Tiago upang isalarawan ang nararapat na aksyon ng sino mang nagpupusturang Kristyano sa harap ng kahirapan at pagsasamantala upang matiyak ang kaligtasan (James 2:14-17 New King James Version):

14 What does it profit, my brethren, if someone says he has faith but does not have works? Can faith save him? 15 If a brother or sister is naked and destitute of daily food, 16 and one of you says to them, “Depart in peace, be warmed and filled,” but you do not give them the things which are needed for the body, what does it profit? 17 Thus also faith by itself, if it does not have works, is dead.

Mula rito, dahan-dahan kong nabasag ang mapanghinayang na tingin sa mga agnostic at athista kong mga kaibigan; sa esensya’y mas gumagampan pa nga yata ng mas mahusay sa pagsunod sa mga utos ni Hesus at ng Diyos (kaysa sa mapagpahayag ng kanilang pagiging Kristiyano at Katoliko) nang hindi nila nalalaman.

Naalala ko bigla ang isang parabula ni Hesus hinggil sa mabuting Samaritano. Maraming Levite at matataas na kaparian sa ating lipunan ang diring-diri at umiwas sa pag-aaruga at pagkalinga sa bugbog-sarado’t mahihina, habang ang Samaritano pang may “maling doktrina” at “walang sampalataya” ang siya pang gumawa ng utos ng Diyos — na mahalin ang kapwa gaya ng sarili. Ika nga ni Caputo, marapat lamang na sinusukat natin ang ating katapatan sa relihiyon at sa Diyos gamit ang pag-ibig na hindi nasusukat. Kung gayon, anong pag-ibig pa bang mas tutunay kaysa sa pagmamahal ng hindi kaibig-ibig?

Katulad rin ng sabi ni Nietzsche at nila Lenin, wala nang ibang mundo kung hindi ang mundong ito – dapat natin itong mahalin at yakapin ng buo-buo. Hindi natin basta dapat isangalang-alang ang lahat sa pangarap ng kabilang buhay, habang hinahayaan natin ang ating mga kapatid at ang ating mga sarili na magpasailim sa mga demonyong naghaharing-uri. Na ang konstruksyon ng tunay na langit ay possible lamang sa lupa.

Naniniwala ako, katulad ni Zizek, na pinaka-rebolusyunaryo ang Katolisismo dahil sa isang katotohanan — namatay si Hesus sa Krus nang hindi inililigtas ng  Diyos Ama. Pero Bakit? Kakatwang pansinin na sa esensya, si Hesus at ang Diyos Ama pa nga yata ang pinaka-mahusay na guro ng materyalismong dialektiko. Higit pa sa ibang mga dakilang guro, napakita ni Hesus sa Kanyang kamatayan na hindi mo kinakailangang maging isang Diyos upang magtagumpay sa pagbabago ng mundo. Na hindi mo kinakailangang maging isang Diyos upang makapagpukaw, makapag-organisa at makapagpakilos ng mamamayan-mananalampalataya. Na hindi mo kinakailangang maging Diyos upang pagtagumpayan ang bagay na Kanyang naiwan. Higit pa sa ibang mga guro, itinuro sa atin ng Diyos na panahon na upang tumayo ang tao sa kanyang dalawang paa upang umasa sa kanyang sarili.

Crude man na metapora, maaaring si Hesus, sa isang banda, ang nagsilbing “training wheels” na ibinigay sa ating bisikleta, na sa kalauna’y kailangang ipagkait ng Diyos sa atin upang masimulan nating abutin ang landas patungo sa paglaya. Kalakip ng biyaya ng “free-will” ay ang pagrespeto ng Diyos sa kapasidad (agency) ng tao na baguhin ang kanyang kamalayan (consciousness), katauhan, kalikasan, at ang kanyang materyal na kondisyon (material reality/conditions), patungo sa isang lipunan kung saan tunay ang kasarinlan at malaya sa pananamantala – ang Kaharian ng Diyos na nabubuhay sa naratibo ng pagbubuo ng sosyalismo — patungo sa ultimong layunin ng isang lipunang walang uri at “pribadong pagmamay-ari,” yaong lipunang kung tawagin nila ay imposible’t utopian.

———————————————————————————————

Ang siniping sanaysay ay mula sa huling papel na isinumite ko bilang rekisitos sa aming klaseng Sociology 125 (Sociology of Religion) kay Propesor Gerry Lanuza. Layunin ng papel na ito ang paglalahad namin ng aming personal na pagtingin sa relihiyon mula sa isang sosyolohikal na punto-de-bista, upang ikumpisal kung nasaan na kami sa aming buhay relihiyoso.

*Ipinasa, ikalawang semestre ng akademikong taong 2012-2013, sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.*

——————————————————————————————-

Bibliography

Caputo, J. (2001). On Religion. London: Routledge.

Feuerbach, L. (1841). The Essence of Christianity . Kautsky, K. (1908). Foundations of Christianity.

Lenin, V. I. (1905). Socialism and Religion. Novaya Zhizn.

Moore, J. (2013). Dirty God: Jesus in the Trenches. Nashville, Tenessee: Thomas Nelson.

Zizek, S. (2001). Belief. London: Routledge.

Advertisements

One comment on “Pagka’t Kailangan Kitang Itakwil Upang Mahalin at Palayain

  1. Pol
    May 17, 2013

    god bless yow! haha

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Information

This entry was posted on May 2, 2013 by .
%d bloggers like this: